Pangulong Duterte , nababahala narin sa muling pagtaas ng COVID cases sa bansa sa mga susunod na linggo
Muling nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko lalo na sa mga nagmamagaling na daig pa ang mga medical experts na nagiging dahilan kaya mayroong ayaw ng magpabakuna laban sa COVID-19.
Sa kaniyang Talk to the People nababahala ang Pangulo na muli na namang tataas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga susunod na linggo dahil sa patuloy na pag-aalinlangan sa pagbabakuna ng ibang mga tao.
Ayon sa Pangulo, dapat tandaan na ang kaunting kaalaman sa mga bagay bagay ay napaka delikado.
Sinabi ng Pangulo na maganda na ang ipinakikitang patuloy na pagbaba ng aktibong kaso ng COVID- 19 sa bansa.
Inihayag ng Pangulo hindi pa natatapos ang pandemya ng COVID-19 dahil patuloy na lumilitaw ang ibat ibang variants at anumang sandali ay maaari na namang umatake.
Binigyang diin ng Pangulo ang tanging paraan para mapigilan ang muling pagtaas ng kaso ay ang pakikipagtulungan ng publiko sa gobyerno at pagsunod sa standard health protocol para mapigilan ang muling pagdami ng COVID-19 sa bansa.
Vic Somintac