Pangulong Duterte, nababahala sa naiulat na fish kill sa Taal Lake… presyo at suplay ng isda sa merkado, pinamomonitor
Pinakikilos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kaugnay ng nangyaring fish kill sa Taal Lake.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nababahala ang Chief Executive sa nasabing pangyayari na batay sa mga eksperto ay bunga ng pagtaaas ng sulfur sa naturang katubigan bunsod ng malakas na Amihan.
Sinabi ni Panelo na mahigpit din ang bilin ni Pangulong Duterte na gumawa ng kaukulang hakbang ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng nasabing natural phenomenon.
Inihayag ni Panelo na pinatitiyak din mismo ng Pangulo na mamonitor ang presyo, suplay at ang kalidad ng mga isdang ibinabagsak sa merkado.
Kaugnay nito nakiusap din ang Malakanyang na huwag nang maging bahagi pa ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa fish kill at makadagdag sa pagka – alarma ng publiko.
Ulat ni Vic Somintac