Pangulong Duterte nagbabala na magdedeklara ng national emergency kung patuloy na magulo sa NAIA
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magaatubili na magdeklara ng national emergency kung patuloy na magulo sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Inulit ng Pangulo ang kanyang pahayag na kung hindi talaga aayos ang sitywasyon sa NAIA ipaguutos niya sa Air Force na sila na ang mamahala sa paliparan.
Inihayag ng Pangulo marami ang maaaring madisgrasya pa kung hindi maaayos ang sitwasyon sa NAIA.
Ayon sa Pangulo marami siyang plano kabilang ang sinasabi niyang radical changes na kinakailangan ngayon.
Hindi naman idinetalye ng Pangulo kung ano ang partikular na mga balak niya.
Matatandaang kamakailan lang ay nagsagawa ng biglaang inspeksyon ang Pangulo sa NAIA terminal 2 matapos makatanggap ng mga reklamo ng mga naaantala at nakakanselang flights.
Nakausap noon ng Pangulo ang ilang mga duty officers ng airport at maging mga pasahero na nagbahagi sa kanya ng kanilang karanasan sa airport.
Nitong mga nakaraang araw naman ilang flights rin ang nakansela kasunod ng pagdedeklara nd red lightning alert bunsod ng malalakas na kulog at kidlat na delikado sa operasyon ng mga eroplano.
Ulat ni Vic Somintac