Pangulong Duterte , naghahanap ng P 10-B pondo para gamiting pang-ayuda sa mga biktima ng bagyong Odette – Malakanyang
Pinagsusumikapan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makahanap ng 10 bilyong pisong pondo na gagamiting pang-ayuda sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos ang pagbisita sa Kabankalan City Negros Occidental.
Ayon kay Nograles agad na inatasan ng Pangulo ang ibat-ibang tanggapan ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng local government units o LGUS na nangangailangan ng tulong.
Inihayag ni Nograles patuloy na magbibigay ng family food packs, tubig at shelter assistance ang Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga nawalan ng tahanan katulong ang Department of Human Settlements and Urban Development ganun din ang National Housing Authority.
Idinagdag ni Nograles na imomonitor ng Department of Trade and Industry o DTI ang ulat na may pagtataas ng presyo ng mga petroleum products at pangunahing bilihin sa mga lugar na pininsala ng kalamidad.
Magbibigay din ang Department of Agriculture ng assistance sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bagyo.
Double time ang Department of Energy sa pagbabalik ng suplay ng kuryente ganun din ang Department of Information and Communications Technology para maibalik ang linya ng komunikasyon at internet sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Vic Somintac