Pangulong Duterte, nagkamali sa announcement ng petsa ng pagpapatupad ng GCQ
Mali ang petsang binasa ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa kanyang Ulat sa Bayan kaugnay ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) with restrictions sa buong Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
Ito ang inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing, matapos niyang ipahayag na ang petsa ng implementasyon para sa bagong quarantine protocols ay June 1 to June 15, 2021 at hindi ang inanunsiyo ni Pangulong Duterte kagabi na June 1 to June 30, 2021.
Ang nasabing petsa ay nakasulat rin sa slide na ipinakita sa publiko habang ginagawa ng Pangulo ang kanyang Ulat sa Bayan kagabi.
Ang video ng announcement ay inulit pang i-post ngayong hapon ng Presidential Communications Operation Office (PCOO) na hindi naman itinatama ang petsang June 1 to June 30, 2021.
Nanindigan si Roque na ang tamang petsa ay June 1 to June 15, 2021 at mali ang naunang petsang ipinahayag kagabi ng Pangulo at ang lumabas na petsa sa videong muling ipinost ng PCOO.