Pangulong Duterte, naglabas na ng Administrative order sa pagpasok ng bagong Telco player sa bansa
Bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang oversight committee na siyang gagabay sa pagpasok ng 3rd major player sa bansa sa industriya ng telekomunikasyon.
Sa bisa ng Administrative order no. 11 na nilagdaan ng Pangulo ay inaatasan nito ang Department of Information and Communications Technology o DICT na pangunahan ang nasabing oversight committee kung saan tatayo namang Vice- Chairperson ang kinatawan mula sa Department of Finance habang magsisilbing mga miyembro ang mga kinatawan mula sa office of the Executive Secretary at National Security Adviser.
Batay sa nasabing kautusan ay tutulungan ng nasabing komite ang National Telecommunications Commission o NTC sa pagbalangkas ng Terms of Reference o TOR para sa pagpili ng radio Frequencies para maging maayos ang proyekto.
Nakapaloob din sa kautusan ng Pangulo na tiyakin na nasusunod ang lahat ng panuntunan ng NTC sa pagbuo ng nasabing TOR at tiyakin na masusunod ang inilatag na timeline ng NTC at DICT sa pagpasok ng bagong telecom company na magiging kakumpetensiya ng Globe at Smart.
Ulat ni Vic Somintac