Pangulong Duterte, nais nang wakasan ang problema sa Covid-19 kaya nagpahayag na nais ng magpabakuna
Pinayuhan ng Department of Health (DOH) si Pangulong Rodrigo Duterte na hintayin muna ang pahintulot ng Food and Drug Administration (FDA) sa posibleng anti-Covid-19 vaccine na inaasahang magmumula sa China bago magpabakuna.
Ito’y matapos magpahayag ang Pangulo na hindi na siya makahintay hanggang Abril ng susunod na taon para magpabakuna kontra sa Covid- 19.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pahayag ng Pangulo na nagmamadali siyang magpabakuna laban sa Covid- 19 ay nagpapakitang gustong-gusto ng Presidente na matapos na ang problema sa Pandemya.
Ayon kay Roque, mayroon ng itinalagang anti Covid- 19 vaccine czar ang Pangulo subalit hindi muna inilalantad sa publiko ang pagkakakilanlan.
Inihayag ni Roque, inihahanda na ng Malakanyang ang mga kakailanganin sa pag-aangkat at pag-iimbak ng bibilhing anti-Covid-D 19 lalo na ang mga cold storage na paglalagakan ng bakuna.
Batay sa report ang bakuna ng China ang inaasahang unang makakakuha ng permiso ng FDA dahil tapos na ito sa third and final stage ng clinical trial.
Vic Somintac