Pangulong Duterte , nakahanap na ng paghuhugutan ng 10 bilyong pisong pondo para tulungan ang mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette
Nakahanap na si Pangulong Rodrigo Duterte ng paghuhugutan ng 10 bilyong pisong pondo para matulungan ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ng Pangulo na babawasan niya ang pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan na nasa ilalim ng executive department at ipatitigil muna pansamantala ang ilang mga government projects upang malikom ang 10 bilyong pisong pondo na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga pininsala ng kalamidad.
Ayon sa Pangulo nais niyang bigyan ng tig-5 libong piso ang bawat pamilya na matinding naapektuhan ng bagyong Odette.
Inihayag ng Pangulo na inatasan narin niya ang Department of Human Settlements and Urban Development para sa reconstruction ng mga bahay ng mga mahihirap na winasak ni Odette.
Vic Somintac