Pangulong Duterte , naniniwalang lumobo ang kaso ng COVID -19 sa Metro Manila dahil sa hindi pagsunod ng publiko sa standard health protocol
Kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagwawalang bahala ng publiko sa ipinatutupad na standard health protocol na mask hugas iwas ang dahilan ng paglobo ng kaso ng COVID 19 sa Metro Manila.
Sa kanyang regular weekly talk to the nation sinabi ng Pangulo na nagpabaya ang mga tao at hindi sinusunod ang standard health protocol.
Ayon sa Pangulo kapag patuloy na babalewalain ng publiko ang pagsusuot ng face mask, face shield, palagiang paghuhugas ng kamay o disinfection at social distancing tiyak na lalaki pa ang problema sa pananalasa ng pandemya habang hinihintay ang pagdating ng anti COVID 19 vaccine na gagamitin sa mass vaccination program ng pamahalaan.
Inihayag ng Pangulo kailangang kumilos ang mga Local Government Units o LGU’S para ipatupad ang mga kailangang hakbang upang makontrol ang paglaganap ng virus na sinasabayan ng bagong United Kingdom at South African variant ng COVID 19.
Batay sa report ng Department of Health kapansin-pansin ang paglobo ng kaso ng COVID 19 dahil sa loob ng apat na magkakasunod na araw ay naitatala ang mahigit tatlong libo ang nagpopositibo sa COVID-19 kada araw.
Vic Somintac