Pangulong Duterte, napikon na kay Vice President Leni Robredo sa isyu ng nasaan ang pangulo sa panahon ng kalamidad
Tila hindi na nakapagtimpi si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo sa isyu ng nasaan ang Pangulo sa panahon ng kalamidad.
Sa kanyang regular na weekly talk to the people sinabihan ni Pangulong Duterte si Vice President Robredo na namumulitika na kahit malayo pa ang kampanya at mali ang inpormasyong nakuha kung nasaan ang Pangulo sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon sa Pangulo nagsisinungaling sa publiko si Robredo sa pagsasabing missing in action ang Presidente sa panahon ng kalamidad.
Inihayag ng Pangulo na imposibleng hindi alam ni Robredo ang ginagawa ng Chief Executive.
Iginiit ng Pangulo na bago at pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Ulysses siya ay dumadalo sa virtual ASEAN summit sa Malakanyang kung saan ang host ay ang bansang Vietnam.
Binigyang diin ng Pangulo na bago pa man manalasa ang bagyong Ulysses ay inatasan na niya ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na paghandaan ang paparating na kalamidad.
Binantaan pa ng Pangulo si Robredo na kung tatakbo itong Presidente sa 2022 ay magiging bangungot niya si Pangulong Duterte.
Vic Somintac