Pangulong Duterte niliwanag na aplikable lamang sa mga anak niya ang hamong magbibitiw sa tungkulin kapag nasangkot ang mga ito sa katiwalian sa gobyerno
Niliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte na aplikable lamang sa kanyang mga anak ang hamon nitong magbibitiw sa tungkulin kapag nasangkot sa katiwalian sa gobyerno ang mga ito.
Sinabi ng Pangulo na malakas ang kanyang loob na itaya ang kanyang pagka-Presidente kung ang pag-uusapan ay ang aksyon ng kanyang mga anak dahil kilalang-kilala niya ang mga ito.
Ayon sa Pangulo nasa kontrol niya ang ugali at gawain ng kanyang mga anak na sina Inday Sarah, Paolo at Sebastian pero ang kanyang mga kamag-anak ay hindi niya kontrolado.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos isangkot ni Senador Antonio Trillanes si Atty. Mans Carpio asawa ni Mayor Inday Sarah na kasama ni Vice Mayor Paolo na nasa likod umano ng Davao group na iniuugnay sa smuggling activities sa Bureau of Customs.
Muling inulit ng Pangulo na hindi siya kapit tuko sa puwesto at kapag napatunayan na sangkot ang kanyang mga anak sa ilegal na gawain ay agad siyang magbibitiw sa pagka-Pangulo ng bansa.
Ulat ni: Vic Somintac