Pangulong Duterte, pinagtibay ang pakikiisa ng Pilipinas sa laban ng buong mundo kontra Covid-19
Pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikiisa ng Pilipinas sa laban ng buong mundo kontra COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ginanap na video conferencing ng ASEAN leaders ngayong araw, apat na punto ang binigyang- diin ng Pangulo para sa pagtutulungan ng mga ito laban sa virus.
Una, iminungkahi ng Pangulo ang pagkakaroon ng intra-ASEAN trade ng mga life saving necessities at pagpapataas pa ng produksyon ng mga medical equipment at supplies, sa gitna na rin ng pressure na nararanasan ng mga healthcare system ng bawat bansa dahil sa pagtaas ng bilang ng mga COVID cases.
Ikalawa, ang pagtitiyak ng food security sa rehiyon.
Sinabi ng Pangulo na dapat mapanatiling bukas ang kalakalan sa ASEAN region, lalu’t prayoridad ng lahat ang sapat na supply ng bigas at pagkain.
Kaya’t dapat aniyang matiyak na walang magiging aberya sa pagdaloy ng mga food cargo.
Sinabi ng Pangulo na may krisis man o wala, walang bansa ang kayang tumayo nang mag-isa.
Ikatlo, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagsuporta sa lahat ng ginagawang inisyatibo at pagsasaliksik sa vaccine kontra COVID.
Ang Pilipinas aniya ay handang makibahagi sa mga clinical trials para sa COVID treatment.
Panghuli, sinabi ng Pangulo na hindi ang COVID-19 ang magiging huling pandemic na mararanasan sa mundo.
Dahil dito, dapat aniyang maging handa ang ASEAN region sa mga susunod pang outbreaks, at dapat na paunlarin ang ASEAN mechanisms para sa public health emergencies.
Ulat ni Vic Somintac