Pangulong Duterte, pinaka-maalaga at mapagmahal na opisyal ng gobyerno – survey
Si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang nangungunang opisyal ng pamahalaan sa pagiging pinaka-mapagmahal, maalaga, “solid,” at “decisive.”
Base ito sa resulta ng “Pahayag” pilot survey na isinagawa ng Publicus Asia Inc.
Sinukat ng nasabing survey ang pananaw ng mga tao tungkol sa limang pinakamatataas na opisyal ng bansa, pati narin ang limang pinakahuling naging presidente ng bansa base sa “Love, Care and Solidarity” index at “Decisiveness Index.”
Base sa nasabing survey, lumalabas na nakuha ni Duterte ang 90 percent decisiveness, na sinundan ni Vice President Leni Robredo na mayroon lamang 5 percent.
Pare-pareho namang nakakuha ng tig-1 percent sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Si Duterte rin ang nanguna sa pagiging most loving matapos makakuha ng 82 percent, at caring and concerned na may 79 percent.
Si Robredo naman ay nakakuha lang ng 13 percent sa pagiging loving, 17 percent sa pagiging concerned at 16 percent naman sa pagiging caring.
Samantala, sa hanay naman ng mga nagdaang Pangulo, si Corazon Aquino ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa pagiging most loving sa 38 percent, na sinundan ni Estrada na may 27 percent, Fidel Ramos sa 10 percent, Benigno Aquino III na mayroong 9 percent at si ngayo’y Rep. Gloria Arroyo na may 5 percent.
Isinagawa ang survey noong August 7 hanggang 9 sa 1,500 respondents.
Mayroon itong 95 percent na confidence level at +/-2.58 percent na margin of error.
Ulat ni: Jet Hilario