Pangulong Duterte, pinapanagot dahil sa Betrayal of public trust kaugnay ng kontrobersiya sa Pharmally deal
Dapat umanong managot sa batas si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y maanomalyang paggastos ng COVID response fund ng gobyerno.
Ito ang nakasaad sa inilabas na initial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng ginawang imbestigasyon sa kontrobersyal na paglilipat ng pondo ng DOH sa procurement service DBM para bumili ng medical supplies laban sa COVID- 19.
Betrayal of public trust umano ang ginawa ng Pangulo nang hindi paimbestigahan, kasuhan o papanagutin sa batas ang mga appointee nito na nagsamantala at gumawa ng katiwalian sa paggastos ng pondo ng taumbayan.
Tulad nina dating Presidential economic adviser Michael Yang at dating procurement service DBM USEC Loyd Christopher Lao.
Sa halip na gumawa ng aksyon, ipinagtanggol pa raw ng Pangulo ang mga nadadawit na mga opisyal at hinarang ang pagdalo sa mga imbestigasyon ng mga cabinet officials.
Pinakakasuhan naman ng plunder ng komite sina Health Secretary Francisco Duque III, Lao iba pang dating opisyal ng procurement service ng Department of Budget and Management.
Pinakakasuhan rin ng paglabag sa Section 2 ng Republic Act 7080 o Plunder law at paglabag sa anti graft law sina Duque, Michael Yang, Lao, Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong at mga opisyal ng pharmally na sina Linconn Ong, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Krizle Grace Mago, Huang Tzu Yen at Chinese businessman na si Lin Weixiong.
Ang Committee report ay ipaiikot at palalagdaan sa mga Senador bago maiendorso sa plenaryo pero hanggang bukas na lang maaring magsagawa ng sesyon dahil bibigyang daan na sa susunod na linggo ang kampanya.
Meanne Corvera