Pangulong Duterte, umaasang igagalang ang napagkasunduang term sharing sa pagitan nina Speaker Cayetano at Marinduque Rep. Velasco
Tiwala si Pangulong Rodrigo Duterte na igagalang nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lourd Allan Velasco ang napagkasunduang term sharing.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa gusot sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Roque nakausap niya ang Pangulo hinggil sa isyu ng speakership sa kamara.
Inihayag ni Roque na sinabi ng Pangulo na namagitan na siya noon kina Cayetano at Velasco kaya nabuo ang kasunduang term sharing sa speakership.
Niliwanag ni Roque kung mayroong sapat na numero o suporta si Velasco ay tiyak na makukuha niya ang pagiging speaker ng mababang kapukungan ng kongreso.
Batay sa term sharing agreement, unang uupo si Cayetano sa pagiging speaker sa loob ng 15 buwan na magtatapos sa October 18 at pagkatapos ay uupo si Velasco hanggang sa pagtatapos ng 18th congress sa June 2022.
Vic Somintac