Pangulong Duterte umatras sa pakikipagdebate kay Retired SC Justice Antonio Carpio sa isyu ng West Philippine Sea
Hindi haharapin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Debate si Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio sa isyu sa West Philippine Sea.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag matapos tanggapin ni Justice Carpio ang hamong debate ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinayuhan si Pangulong Duterte ng mga miyembro ng gabinete sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdia at inayunan nina Senate President Tito Sotto at Senador Aquilino Pimentel na hindi marapat na humarap sa isang public debate ang sitting President dahil maaring makumpormiso ang national security ng bansa.
Ayon kay Roque matutuloy parin ang debate kahit hindi si Pangulong Duterte ang haharap dahil itinalaga siya ng Presidente na proxy sa pakikipagdebate kay Justice Carpio.
Nagbigay si Roque ng tatlong tema na pagdedebatehan nila ni Justice Carpio
Una Sino ang responsable sa pagkawala ng mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea?
Pangalawa tama ba ang akusasyon ni Justice Carpio na binabalewala ni Pangulong Duterte ang desisyon ng International Arbitral Tribunal na pumapabor sa Pilipinas sa usapin sa South China Sea?
Ikatlo Totoo ba ang sinasabi ni Justice Carpio na ipinamimigay ni Pangulong Duterte sa China ang teritoryo ng Pilipinas?
Hinamon pa ni Roque si Justice Carpio na isama sa debate si Dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na bumabatikos din kay Pangulong Duterte sa isyu ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Vic Somintac