Pangulong Duterte, walang kinalaman sa planong gawing State witness si Janet Lim Napoles- Malakanyang

Mariing itinanggi ng Malakanyang na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa planong gawing testigo ng estado si Janet Lim Napoles sa Pork barrel scam.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi ugali ng Pangulo ang micro management dahil nagtitiwala siya sa kakayanan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Ayon kay Roque nais ng Pangulo na sundin ang proseso ng batas sa pagsasailalim sa sinuman na ilalagay sa Witness Protection Program o WPP ng pamahalaan.

Inihayag ni Roque na kahit dumulog sa Malakanyang ang abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David para agad na maisailalim sa WPP si Napoles ay hindi nakialam ang Pangulo sa desisyon ni Secretary Aguirre na kailangan munang kunin ang pahintulot ng Sandiganbayan.

Si Napoles ay nasa hurisdiksyon ng Sandiganbayan at nililitis dahil sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam at nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan Taguig City.

 

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *