Pangulong Rodrigo Duterte, ipinag-utos ang pagbuo ng Coordinating Committee na siyang tututok sa laban sa Money Laundering at Terrorism financing

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Executive order na siyang naguutos ng pagbuo ng  National Anti-Money Laundering and Countering the Financing Terrorism Coordinating Committee o NACC.

Layunin ng NACC na magbuo ng mga patakaran at stratehiya patungkol sa money laundering o ang krimen ng pagkukubli ng mga salaping nakuha mula sa ilegal na paraan pati na rin ang pagpopondo sa terrorist groups.

Tututukan rin ng NACC ang implementasyon ng mga patakaran at pagrerekomenda sa mga ahensya ng gobyerno ang mga kinakailangang aksyon.

Pamumunuan ng executive secretary o authorized representative ang NACC habang magiging vice-chair naman  ang governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas o ang chairperson ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.

Magsisilbing mga miyembro naman ang mga kalihim ng Foreign Affairs, Finance, Justice, National Defense, Interior and Local Government at Trade and Industry.

Miyembro din ang pinuno ng Securities and Exchange Commission, Insurance Commissioner, CEO at chairperson ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, Administrator ng Cagayan Economic Zone Authority at Presidente ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority.

Ang AMLC naman ang magsisilbing secretariat habang ang Office of the Ombudsman ay maaaring maging miyembro rin kung nais nito.

 

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *