Pangulong Rodrigo Duterte, pangungunahan ang pamimigay ng mga benepisyo sa mga dating rebelde
Matutuloy na ang na-delay na pamamahagi ni Pang. Rodrigo Duterte ng mga benepisyo para sa mga dating rebelde sa gobyerno.
Sabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez, inaasahang dadating ang Pangulo sa San Isidro, Leyte kung saan gagawin ang programa.
Kasama ng Pangulo ang buong security cluster ng kanyang gobyerno at ilan pang cabinet members.
Inaasahang pangungunahan ng Pangulo ang pamimigay ng benepisyo sa pitong kinatawan ng iba’t ibang grupo.
Nakatakda ring mag-abot ang Pangulo ng 5-million pesos na cheke para sa half-way house nila at ang certificates of eligibility for lot award.
Bahagi rin ng programa ang pamamahagi ng Pangulo ng tulong pinansyal sa iba’t ibang munisipalidad na naapektuhan ng bagyong Ursula dito sa Leyte.
Tatanggapin ito ng mga aklalde ng mga bayan ng Babatngon, Barogo, Calubian, Capoocan, Carigara, Leyte, San Isidro, Tabango, Tacloban at Leyte Province na tatanggapin ng kanilang Gobernador.
Matatandaang noong nakaraang linggo pa gagawin ang programa pero dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal, kinansela muna ng Pangulo ang pagpunta sa event at inilipat na lamang ng petsa.
Samantala, matapos naman ang event na ito sa San Isidro, Leyte sabi ni Senador Bong Go, lilipad pa muna si Pang. Duterte sa Bacolod City para dumalo sa isang private event bago siya umuwi sa Davao City.
Ulat ni Vic Somintac