Pangunahing bilihin, inaasahang tataas pa
Tataas pa raw ang presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong Hulyo.
Ayon sa Philippine Statistic Authority, inaasahan pa nilang lalagpas sa 6.1 percent na naitala ngayong Hunyo ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Sinabi ni National Statistician USEC Dennis Mapa na batay sa kanilang monitoring pataas pa rin ang trend ng lahat ng bilihinat serbisyo dahil hindi pa rin bumababa ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Katunayan, hindi pa nagreflect sa June inflation ang inaprubahang pisong dagdag na singil sa pamasahe bago matapos ang Hunyo.
Malaki aniya ang bigat ng singil sa transportasyon sa inflation basket na aabot sa 9 perccent ang presyo ng tinapay, apektado rin aniya ng kakapusan ng suplay ng trigo na dulot naman ng bangayan ng Russia at Ukraine.
Sinabi ni Mapa dahil sa pagtaas ng inflation, bumagsak rin ang purchasing power ng publiko sa consumer price index.
Babala naman ni Senador Imee Marcos, asahan na ang posibleng food shortage hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Ayon sa Senadora ito ang dahilan kaya mabilis ang ginagawang pagkilos ngayon ng bagong administrasyon para magkaroon ng sapat na suplay lalo na bigas at mais para naman sa mga poultry products.
Meanne Corvera