Pangunguna ni VP Robredo sa isang Presidential survey, minaliit lang ng Malakanyang
Tinawag ng Malakanyang na wishful thinking ang pangunguna ni Vice President Leni Robredo sa isang Presidentiable survey para sa 2022 elections.
Batay sa Pilipinas 2022 Online Survey Platform for Presidential Candidates nanguna si Robredo na nakakuha ng 34.27 percent na boto, pangalawa si Davao City Mayor Sara Duterte na may 18.06 percent, pangatlo si Senador Manny Pacquiao na may 16.31 percent, pang-apat si dating Senador Bongbong Marcos na may 12.08 percent, pang-lima si Manila Mayor Isko Moreno na may 7.29 percent pang-anim si Senador Bong Go na may 7.05 percent at pang-pito si Senador Grace Poe na may 4.94 percent.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque hindi niya kilala ang naturang polling company na nagsagawa ng survey.
Sinabi ni Roque hindi rin niya alam kung ano ang naging proseso o methodology na ginamit ng kompanya sa pagsasagawa ng survey.Inihayag ni Roque naniniwala pa rin siya sa cross sampling method na survey kung saan nakapagtrabaho na rin siya sa isang pamantasan na pinagmulan ng naturang proseso.
Iginiit ni Roque na pinaniniwalaan pa rin niya ang mga mapagkakatiwalaang polling company dahil subok na ang kanilang proseso kahit na 1,200 lamang ang kinukuhang mga respondents.
Paliwanag ni Roque na kapag random ang statistical survey nagiging accurate ang resulta.
Vic Somintac