Panibagong anomalya sa Isabela electric cooperative, nadiskubre ng Kamara
Nabulgar sa pagdinig ng Joint House Committee on Energy at Committee on North Luzon Growth Quadrangle, na kada buwan ay sapilitang kina-kaltasan ang suweldo ng mga empleyado ng electric cooperative sa lalawigan ng Isabela para sa One-EC MCO Network Foundation.
Ayon kay Ms. Emilia de Guzman, Supervising Labor and Employment Officer sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang pagkaltas ay labag sa Advisory No. 11 Series of 2014 ng kagawaran o ang Non-Interference in the Disposal of Wages and Allowable Deductions.
Batay sa naturang advisory, ang maaari lamang ikaltas ng mga employer sa sweldo ng mga empleyado ay mga deduction na nakasaad sa batas kasama na ang insurance premium, o mga pagkaltas na may written consent ng mga empleyado.
Nakasaad sa joint affidavit na inihain ng mga empleyado mula sa ISELCO-1, na kinakaltasan ang mga rank and file employee ng 100 pesos, ang mga supervisor ay 150 pesos, department heads ng 500 pesos, at ang Board of Directors ng 200 pesos kada buwan na umano’y hindi makatarungan para sa mga manggagawa ng kooperatiba.
Sa ginawang pagsisiyasat, nakasaad din sa dokumento na mula 2019 hanggang 2022, umabot na sa P1,549,750 ang sapilitang nakaltas sa mga empleyado.
Sa imbestigasyon ng Kamara, lumalabas sa talaan ng Securities and Exchange Commission o SEC na ang One-EC MCO Network Foundation ay itinayo ng mga opisyales ng iba’t ibang electric cooperatives sa bansa, kasama rin ang dalawang kongresista na sina Congressman Presley De Jesus ng Philreca partylist at Congressman Sergio Dagooc ng APEC partylist, na dapat sana ay representante ng mga electric cooperative at ng member-consumer-owners.
Vic Somintac