Panibagong anumalya sa Bucor, nabunyag sa pagdinig ng Senado
Nabunyag ngayon sa pagdinig ng Senado ang panibagong anomalya sa catering services sa loob ng Bureau of Corrections.
Ayon sa caterer na si Angeline Bautista, siningil siya ng 30 hanggang 50,000 pesos para lamang sa pagpapanotaryo ng mga dokumento para sa bidding at mga kontrata sa pagkain ng mga bilanggo.
Napilitan rin siyang ibaba sa 30 pesos ang tatlong meals ng mga bilanggo dahil pinakamababang presyo ang pinipili sa bidding.
Pero kinuwestyon ito ni Senador Panfilo Lacson dahil ayon sa itinatakda ng General Appropriations Act, 60 pesos ang subsistence allowance o budget sa pagkain ng mga preso.
Paliwanag ng Bucor, ang sukli raw sa 60 pesos inilalaan nila sa iba pang pangangailangan ng mga preso.
Pero giit ni Lacson, labag ito sa batas dahil ito ay maituturing na disallowance o technical malversation.
Sa computations ni Lacson, aabot sa 360 million pesos ang nawawala sa budget para sa pagkain ng mga preso taon-taon.
Dahil dito inirekomenda ng Senador na bawasan na lang ang pondo para sa mga bilanggo.
Ulat ni Meanne Corvera