Panibagong batch ng mga Pinoy mula Israel, uuwi sa bansa ngayong araw; DFA Usec., binisita sa Egypt ang mga Pinoy galing sa Gaza
Makauuwi na sa bansa ngayong Lunes ang panibagong batch ng Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Israel.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), binubuo ng 37 repatriated OFWs ang darating sa bansa lulan ng Etihad Airways flight EY424.
Inaasahang darating sa NAIA Terminal 3 ang mga Pinoy mamayang alas 3:10 ng hapon.
Dahil dito, aabot na sa mahigit 200 Pinoy na apektado ng Israel- Hamas conflict ang nagbalik bansa mula noong October 7.
Samantala, nagtungo naman sa Cairo, Egypt si Department Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega para bisitahin ang mga Pilipino na lumikas mula sa Gaza.
Pinagkalooban ng Philippine Embassy sa Egypt ang mga Pinoy at kanilang Palestinian na kamag-anak ng medical checkups, accommodations, flights at visas.
Sinabi ng embahada na patuloy na nakaantabay ang mga tauhan nito malapit sa Rafah border para alalayan ang iba pang Pinoy na nasa Gaza pa na tatawid sa crossing point.
Moira Encina