Panibagong DQ case vs BBM, “cheap political gimmicks” –spox
Isa raw “cheap political gimmicks” mula sa mga parehong tao na ayaw umusad ang bansa at makaalis sa pandemya ang panibagong petisyon na inihain sa COMELEC para harangin ang kandidatura ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Ang pahayag ay ginawa ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez kaugnay sa disqualification case na inihain ng grupo ng mga aktibista na nakulong noong panahon ng Batas Militar.
Ayon kay Rodriguez, gaya ng inaasahan ay patuloy ang saga ng mga nagsusulong ng gutter politics sa isa pang nuisance petition sa poll body na inihain ng mga sinasabing communist frontliners.
Sinabi ni Rodriguez na ayaw ng mga ito na itaas ang political discourse sa halip ay bumabaling sa maruming pangangampanya, batuhan ng putik, at character assassination.
Nais ng grupong Campaign Against The Return of the Marcoses and Martial Law na idiskuwalipika si BBM sa presidential race dahil sa hindi na raw ito maaaring kumandidato sa public office bunsod ng conviction sa non-filing ng income tax returns.
Ang hatol kay Marcos ay ibinaba ng Quezon City court kung saan pinatawan ito ng parusang pagkakakulong at multa.
Idinulog naman ito ni Marcos sa Court of Appeals kung saan pinagtibay ang conviction ng trial court pero inalis ang parusang imprisonment at pinagmulta na lamang ito.
Iginiit ng kampo ni Marcos na walang hurisdiksyon ang poll body na rebyuhin o amyendahan ang desisyon ng CA.
Sa kasalukuyan, may limang petisyon na nakabinbin sa COMELEC laban sa kandidatura ni Marcos.
Moira Encina