Panibagong insidente ng pamemeke ng Covid-19 test result, nabuking sa Palawan
Dismayado ang Department of Tourism (DOT) sa panibagong insidente na naman ng pamemeke ng Covid-19 result.
Ayon sa DOT, ang nasabing local tourist ay isang 24 anyos na lalaki mula sa Quezon City na dumating sa Coron, Palawan noong March 9.
Ang nasabing lalaki ay nakumpirmang positibo sa Covid-19 ng Quezon City Surveillance Team.
Dahil rito, agad ipinaalam ng QCST ang nasabing impormasyon sa Lokal na Pamahalaan ng Coron.
Pinuri naman ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang mabilis na koordinasyon sa pagitan ng dalawang LGU na nagresulta sa mabilis na detection ng Covid case at contact tracing.
Nitong Marso 13, iniulat ng Coron Emergency Operations Center na lahat ng first generation contacts ng nasabing turista ay negatibo sa RT-PCR test habang ang secondary contacts naman nito ay negatibo sa antigen test.
Kaugnay nito, inirekomenda ng DOT Region IV-B na mapatawan ng parusa ang nasabing turista.
Madz Moratillo