Panibagong mga variant cases ng Covid-19, naitala ng DOH; pinakamaraming kaso mula sa NCR
Kasabay ng patuloy na pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa, patuloy ring nakapagtatala ang Department of Health (DOH) ng mga bagong kaso ng Covid variants.
Ayon sa DOH, sa pinakahuling sequencing na ginawa ng Philippine Genome Center ay may 46 karagdagang B.1.1.7 o UK variant, 62 karagdagang B.1.351 o South African variant at 6 na bagong P.3 variant cases.
Ang mga bagong kaso na ito ay mula sa 150 samples na sinuri ng PGC mula sa National Capital Region.
Sa datos ng DOH, sa 46 bagong UK Variant ang 36 ay local cases na mula sa National Capital Region, ang 2 ay returning OFWs na pawang taga Cagayan Valley at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, habang ang 8 ay bineberipika pa.
Sa datos na ito, ang 45 ay aktibong kaso pa habang ang 1 ay nakarekober na. Sa ngayon ay umabot na sa 223 ang UK variant sa bansa.
Habang sa 62 bagong kaso ng South African variant naman, 43 ang local cases habang bineberipika pa ang 19. Sa 43 local cases na ito, 41 ay taga NCR at 2 ang mula sa CALABARZON.
Ang 60 rito ay aktibong kaso pa habang nakarekober naman na ang 2.
Sa ngayon ay umabot na sa 152 ang kabuuang kaso ng South African variant sa bansa.
Sa 6 na bagong kaso naman ng P.3 o ang variant na unang natukoy dito sa bansa, 4 ay local cases na pawang mula sa NCR habang ang 2 ay bineberipika pa.
Lahat ng 6 na bagong kaso na ito ay actibe cases pa.
Pero muli namang nilinaw ng DOH na ang P.3 variant ay hindi kabilang sa variant of concern at batay sa mga kasalukuyang datos ay wala pang epekto sa galaw ng virus.
Patuloy naman ang apila ng DOH sa publiko na manatili sa loob ng bahay at iwasan ang 3 C o ang Closed spaces, Crowded places, at Close contact settings.
Madz Moratillo