Panibagong testigo sa GCTA for sale ihaharap ngayon sa pagdinig ng Senado
Ngayon ang ikaapat na pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice committee kaugnay ng kwestyonableng pagpapalaya sa mga bilanggo sa National Bilibid Prisons (NBP) sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Present sa pagdinig sina dating Bucor Director Nicanor Faeldon, NBI chief Dante Geran at mga opisyal ng Bucor.
Inungkat ni Senador Richard Gordon ang Department Order 953 na inilabas ang kautusang ito bago pa man mapagtibay ang GCTA law.
Sa naturang kautusan malinaw na nakasaad na dapat may approval muna ng kalihim ng Department of Justice ang anumang desisyon na palayin ang sinumang mga convicted criminals particular na ang mga dawit sa heinous crime.
Sabi ni Faeldon, hindi nya alam na may ganito palang kautusan ang DOJ.
Samantala, dalawa pang testigo sa umano’y talamak na bentahan ng GCTA Law ang ihaharap sa pagdinig ngayon ng Senado.
Ayaw munang pangalanan ni Senate President Vicente Sotto III ang testigo at inaayos lang aniya ang seguridad ng dalawa.
Alam aniya ng mga ito ang detalye ng kung paano bentahan sa GCTA law.
Nauna nang tumestigo si Yolanda Camelon sa pagdinig ng Senado at inaming isa rin sa mga nagbayad ng 50,000 piso kapalit ng kalayaan ng kaniyang asawa.
Sabi ni Sotto umaabot sa 50,000 piso hanggang 1.5 milyong piso ang bentahan ng GCTA law depende sa bigat ng kaso.
Ulat ni Meanne Corvera