Panukala na suspendihin ang excise tax sa langis, ihahain ni Senador Grace Poe
Isusulong ni Senador Grace Poe sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo ang panukalang suspindihin ang Excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ito’y para mabawasan ang hagupit ng pagtaas ng presyo nito sa mga ordinaryong mamamayan.
Nais paamyendahan ng Senador ang Section 148 ng National Internal Revenue Code para awtomatikong suspendihin ang pangongolekta ng excise tax sa gasolina at diesel kapag pumalo na sa 80 dollars ang kada bariles ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Bukod sa delay aniya ang cash aid na ibinibigay na ayuda ng gobyerno hindi naman lahat nakikinabang dito.
Paliwanag ng Senador, kung sususpindihin ang excise tax,maaring mabawasan agad ng sampung piso ang kada litro ng Gasolina habang 6 pesos naman sa Diesel bukod pa sa mababawas na 12 percent na value added tax sa bentahan ng oil products.
Meanne Corvera