Panukala ng ilang US Senators na sumali sa combat operations ang US forces sa liberation of Marawi kontra Maute group ibinasura ng Malakanyang
Tinabla ng Malakanyang ang panukala ng ilang US Senators na palawakin pa ang papel ng US forces sa operasyon ng Philippine military laban sa teroristang Maute group sa Marawi City.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, kaya ng militar at pulisya na sugpuin ang terorismong inihahasik ng Maute group sa Marawi City.
Ayon kay Abella tanging technical assistance ang kailangan lamang ng Philippine military para tuluyang mabawi ang Marawi City sa kamay ng mga teroristang Maute group.
Inihayag ni Abella na bago pa man sakupin ng Maute group ang Marawi City ay mayroon ng nakalap na impormasyon na gustong gawing Islamic state ng ISIS ang lungsod kaya itinalagang Emir si Abu Syaff leader Isnilon Hapilon katulong ang magkapatid na Abdullah at Omar Maute.
Batay sa report nagpahayag ng pagkabahala ang ilang US senators sa balitang ang Marawi City ang panibagong pugad ng ISIS sa Southeast Asia kaya nais ng mga ito na sumali na sa combat operations ang mga sundalong Amerikano.
Ulat ni: Vic Somintac