Panukala ni Manila Mayor Isko Moreno na alisin na ang pagsusuot ng face shield, ibinasura ng Malakanyang
Hindi sumang-ayon ang Malakanyang sa panukala ni Manila Mayor Isko Moreno na ipatigil na ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na batay sa ginawang pag-aaral ng mga health expert malaki ang naitutulong ng pagsusuot ng faceshild kasama ng facemask para sa proteksiyon laban sa COVID 19 bilang bahagi ng ipinatutupad na minimum standard health protocol sa panahon ng Pandemya.
Ayon kay Roque hindi pa napapanahon para alisin ang paggamit ng face shield hangga’t hindi pa nababakunahan ang 50 to 70 percent ng populasyon ng bansa upang makuha ang herd immunity at matigil na ang pagkalat ng COVID 19.
Batay sa panukala ni Mayor Isko, dapat pag-aralan na ng Inter Agency Task Force (IATF) ang pagpapatigil sa paggamit ng faceshield at gamitin na lamang ito sa mga hospital para sa mga medical frontliner at makabawas narin sa gastos ng taongbayan dahil lumilitaw na tayo na lamang sa Pilipinas ang natitirang bansa na gumagamit nito sa pampublikong lugar.
Vic Somintac