Panukala ni Pangulong Duterte na parusahan ang mga magulang ng mga menor de edad na makakakagawa ng krimen ipinauubaya ng Malakanyang sa Kongreso
Ipinauubaya na lamang ng Malakanyang sa Kongreso ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagbibigay parusa sa mga magulang ng mga menor edad na makakagawa ng krimen.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ngayon ay maituturing pa lamang itong ideya at bahala na mga mambabatas kung isasama ito sa probisyon sa proposed bill na nagpapababa sa edad na mabibigyan ng criminal responsibility.
Inamin ni Panelo na sa ngayon ay wala pang batas na nagsasabi pwedeng parusahan ang isang tao sa kasalanan na iba naman ang gumawa.
Sa teorya naman ni Panelo posibleng maging batas ang ideya ng Pangulo lalo na sa mga magulang na mapapatuyang may kapabayaan kung kaya’t nagawa ng bata ang isang krimen.
Paliwanag ni Panelo na posibleng pumasok o maging kahalintulad ng batas na may ‘reckless imprudence’ ang pagpaparusa sa mga magulang para sa kasalanan ng kanilang anak.
Ulat ni Vic Somintac