Panukala para sa mas mabigat na parusa laban sa Cyberbullying at mga website na naglalabas ng fake news, didinggin na ng Senado
Nais ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga gumagawa ng Cyberbullying at mga nagpapakalat ng fake news sa social media.
Sinabi ni Revilla na sisimulan na ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang pagdinig sa mga nakapending na panukala hinggil dito.
Kabilang na ang panukala ni Senate President Vicente Sotto III na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga nagpa-publish ng fake news sa internet at magbigyan ng kapangyarihan ang DOJ, NBI at PNP ng takedown orders at block access order laban sa mga lumalabag na website at naglalathala ng maling impormasyon.
Nakakabahala ayon sa Senador na sa kabila ng batas sa cyberbullying, mas tumitindi pa ang pambubully sa pamamagitan ng social media.
Ayon sa mambabatas, nabiktima rin siya ng fake news at cyberbullying dahil sa sunod-sunod na mga pag-atake nang madawit sya sa Pork Barrel scam.
Wala aniya siyang balak na palampasin ang ganitong isyu, katunayan ay nakikipag-ugnayan na siya sa PNP at NBI para mangalap ng karagdagang impormasyon laban sa mga indibidwal o grupong nagpakalat ng maling impormasyon.
Iginiit ng Senador na wala siyang kinalaman sa alegasyon ng pagwaldas ng Pork Barrel.
Katunayan naabswelto aniya siya ng Sandiganbayan sa isyu.
Senador Bong Revilla:
“Wala po akong kasalanan sa inyo, ang buhay ko ever since ay transparent, alam po ng lahat ng tao, alam ng taong nakulong ako, open book ako, abswelto ako sa kaso, and may ongoing, lalabas na rin ang desisyon”.
Meanne Corvera