Panukala para sa mas malaking plaka ng mga motorsiklo, lusot na sa Kamara.
Aprubado na sa Kamara ang panukalang batas na nagtatakda ng malaking plaka ng mga motorsiklo bilang paraan ng pagsawata sa krimen ng riding in tandem.
Ang house bill 8419 na nagbabawal sa paggamit sa motorsiklo sa paggawa ng krimen ay isinulong ng mga kongresista sa kasagsagan ng pagdami ng krimeng kinasangkutan ng riding in tandem.
Para maiwasan ang paggamit sa motorsiklo sa criminal activities, inaatasan nito ang land transportation office na lakihan ang license plate ng mga motorsiklo.
Ipinauubaya sa LTO ang pasya sa nararapat na laki ng motorcycle plate basta kailangang kita ang alphanumeric characters nito sa distansiyang at least labing dalawang metro.
Magiging obligado na din sa may-ari ng motorsiklo na iparehistro ito sa LTO at i-report sa LTO pati ang pagbebenta nito sa kung sinuman.
Kapag nasira ang plaka o nanakaw ay kailangang ipaalam ito sa lto dahil kung hindi ay may katapat itong multa na mula 5,000 hanggang 20,000 pesos.
May parusang kulong naman at multang hanggang 100,000 pesos ang sinumang sadyang magbabago ng plaka ng motorsiklo o gagamit ng peke o nakaw na plaka.
Ulat ni Madelyn Villar