Panukala para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections, inaasahang mapipirmahan na ni PBBM bukas
Bukas inaasahang mapipirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon at gawin ito sa Disyembre ng 2023.
Kahapon nilagdaan ng liderato ng Kamara at Senado ang enrolled bill at naipadala na ito sa opisina ni PBBM.
Sa kabila nito, ang Commission on Elections ay nagsabi na matuloy man ang halalan 80 porsyento na silang handa.
Ang full printing ng mga opisyal na balota, nasimulan na rin ng National Printing Office.
Muli namang tiniyak ni Comelec SPokesperson Atty. John Rex Laudiangco na walang masasayang na resources ng gobyerno dahil pwede pa namang gamitin ang mga ito sa susunod na eleksyon.
Ayon kay Laudiangco kung hindi matutuloy ang halalan ngayong taon, kakailanganin ng mahigit 18 bilyong pisong pondo para sa 2023 BSKE.
Mas malaki ito ng 10 bilyong piso mula sa 8.4 bilyong pisong pondo na kailangan lang sana kung ngayong taon ito gagawin.
Isa sa nagpataas kasi aniya ng gastos ay ang pagpapatuloy ng voter registration na gagawin nila sa Nobyembre kung maipagpapaliban ng tuluyan ang BSKE sa Disyembre.
Isa pa sa pinagkakaabalahan ngayon ng Comelec ay ang paglalatag ng electoral reforms.
Kabilang sa mga repormang ito ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa law enforcers na arestuhin ang mga maaaktuhang sangkot sa vote buying at selling.
Isa rin aniya sa pinag-aaralan ng Comelec ay ang irekumenda ang pagtataas ng voters halaga ng pwedeng gastusin ng isang kandidato.
Pero wala pa daw silang halaga na nailalatag at pinag-aaralan nilang ipaubaya ito sa mga mambabatas.
Madelyn Villar- Moratillo