Panukala ukol sa proteksyon ng bank depositors at lahat ng iba pang financial consumers mula sa cybercrime palalagdaan na sa Pangulo
Lagda na lang ni Pangulong Rodrigo duterte ang hinihintay para tuluyang maging batas ang panukalang protektahan mula sa Cybercrimes ang mga Financial consumers gaya ng mga depositor sa bangko at online ang financial transactions.
Ipinadala na sa Malakanyang ang Financial Consumers Protection Bill o Senate bill number 2488.
Inaprubahan ito ng Senado bago nag-adjourn nung nakaraang linggo at in-adopt o kinatigan ng Kamara kaya hindi na dumaan pa sa Bicameral Conference Committee.
Sa panukala, bibigyan ng dagdag na kapangyarihan ang mga financial regulators ng gobyerno para agad na maresolba ang reklamo ng financial consumers gaya ng mabibiktima ng hacking at ng financial fraud.
Kabilang na rito ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Securities and Exchange Commission, Insurance Commission at Cooperative Development Authority.
Maari nilang atasan ang mga financial institutions na i- reimburse ang anumang nawala sa mga biktima at maari ring silang magdemanda sa korte para sa mga biktima na karaniwang hindi naghahabla dahil sa gastos at abala.
May kapangyarihan rin silang siguraduhin na laging updated ang teknolohiya ng mga financial institution upang magarantiyahan na hindi mapapasok ng dumaraming hi-tech na hackers.
Meanne Corvera