Panukalang ban sa mga mangingisdang Chinese sa Reed Bank, malabo – ayon sa isang Kongresista
Duda si House Committee on National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon sa posibilidad na pagbawalan ang mga mangingisdang Chinese sa pagpasok sa Reed bank o Recto Bank sa West Philippine sea.
Paliwanag ni Biazon, bagamat bahagi ng exclusive economic zone ang Reed bank ay hindi naman ito sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Bukod rito, magiging epektibo lang din aniya ang fishing ban kung mahigpit itong ipapatupad.
Sa ngayon, limitado lang din kasi aniya ang kakayahan ng Pilipinas kaya magiging kahiya hiya lamang ang bansa kung magpapatupad ng ban pero hindi naman ito maipapatupad ng husto.
Para kay Biazon, ang diplomationg aksyon sa International Arena pa rin ang pinakamabuting aksyon na pwedeng gawin ng gobyerno ng Pilipinas.
Una ng sinabi ng kapitan ng bangka na binangga ng Chinese vessel na plano nilang hilingin kay Pangulong Duterte na magpatupad ng fishing ban sa mga mangingisdang Chinese para hindi na maulit ang insidente.
Ulat ni Madz Moratillo