Panukalang batas laban sa mga balimbing sa politika inihain sa Kamara ni Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo
Isinusulong ngayon ni Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo ang House Bill 488 o Political Party Act na naglalayong palakasin ang political party system sa bansa at patawan ng parusa ang mga balimbing sa politika.
Ipinaliwanag ni Arroyo na tumatayong House Senior Deputy Speaker ngayong 19th Congress na mismong kasaysayan na ang nagsasabi na ang political parties sa bansa ay nagagamit bilang political vehicle lamang para manalo sa eleksyon ang isang politiko.
Ayon kay Arroyo ang turncoatism o balimbing ay hindi dapat hinahayaan sa political system ng bansa dahil sinisira nito ang konsepto ng word of honor at dignidad ng isang tunay na lider maging ang katapatan sa partido.
Kapag naging ganap na batas ang panukala ni Arroyo, ang mga balimbing ay otomatikong aalisin sa kanyang napanalunang posisyon sa gobyerno kapag siya ay lumipat o lilipat ng partido isang taon matapos o bago ang eleksyon.
Pagbabawalan ding tumakbo ang politiko sa anumang posisyon sa pamahalaan sa paparating na halalan at bawal na italaga sa anomang pwesto sa gobyerno sa loob ng tatlong taon kapag siya ay papalit-palit ng partido politikal.
Vic Somintac