Panukalang batas na mag-oobliga sa Telcos na magbigay nang mabilis na internet connection, ihahain sa Kamara
Oobligahin na ang mga Telcos na magkaloob ng minimum 65-MBPS internet speed sa harap ng mga reklamo ng mabagal at putol-putol na internet connection sa bansa.
Kapag naisabatas dapat hindi bababa sa 65-MBPS ang internet speed na ipagkakaloob ng mga Telco sa kanilang mga subscriber.
Ito ang nakapaloob sa House Bill 2567 o Bilis Konek Act na ini-akda ni House Deputy Speaker Ralph Recto.
Ayon kay Recto sa ilalim ng Bilis Konek Act ang 65-MBPS ang magiging minimum standard para sa internet connection speed sa fixed wireless broadband dahil walang katapusan ang mga reklamo tungkol sa mabagal at putol-putol na internet connection.
Pagdating naman sa mobile broadband dapat ito ay nasa minimum 30-MBPS at kailangang tiyakin ng mga Telco ang kalidad ng kanilang sistema para makapag-deliver ng internet connection speed na higit pa sa global average.
Matatandaan na binansagan ang Pilipinas na world’s heaviest internet users batay sa Digital 2022 Statshot Report.
Average na 10-hours and 23-minutes ang ginugugol ng mga Pinoy sa internet malayo sa worldwide average na 6-hours and 53-minutes kada araw.
Iginiit ni Recto dapat lang na maayos at mabilis ang serbisyo ng mga internet service provider tulad sa ibang mga bansa.
Vic Somintac