Panukalang batas na magbibigay proteksyon sa interes ng Financial consumers, isinusulong sa Senado
Inindorso na sa Plenaryo ng Senado ang panukalang batas na magbibigay proteksyon sa interes ng financial consumers.
Isinulong ng mga mambabatas ang Senate bill 2488 o Financial Products and Services Consumer Protection Act dahil sa demand ng online banking dulot ng pandemya.
Sinabi ni Senador Grace Poe na Chairman ng Senate Committee on Banks na kailangan nang magpasa ng hiwalay na batas para protektahan ang mga financial consumers ngayong dumarami ang biktima ng hacking at scammers sa online banking at digital payment.
Isa sa tinukoy ng Senador ang nangyaring online banking fraud kamakailan kung saan mahigit 700 kliyente ng isang malaking bangko ang nabiktima.
Milyon milyon rin ang nawala sa Ponzi scheme ng SEC ,maraming pamilya at investors ang biktima.
Sa datos aniya ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong 2021 umabot sa mahigit 42,000 ang natanggap nilang reklamo hinggil sa pag hack sa kanilang mga account.
Sa panukala inoobliga ang mga financial institutions na paigtingin ang cybersecurity mechanism para protektahan ang financial consumers.
Ang mga financial regulators bibigyan ng adjudicatory powers para pabilisin ang reimbursement ng mga biktima at maiwasan na rin ang pagtambak ng kaso sa korte.
Meanne Corvera