Panukalang Batas na magpapataw ng excise tax sa plastic bag, aprubado na sa Komite ng Kamara
Pasado na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na naglalayong patawan ng excise tax ang mga plastic bag.
Sa pagdinig ng Komite, inaprubahan ang substitute consolidated House Bill 220 at 1811 o An Act Imposing Excise Tax on plastic bag na iniakda nina Congresswoman Mikaela Suansing, Congressman Horacio Suansing Jr. at Congressman Joey Salceda.
Sa ilalim ng panukalang batas papatawan ng P20.00 na excise tax ang kada kilo ng plastic bag.
Layunin ng binabanggit na panukalang batas na mahihimok ang mga consumer na umiwas sa paggamit ng plastic bag at sa halip ay isinusulong ang paggaamit ng environment-friendly na mga alternatibo tulad ng ecobag upang maprotektahan ang kalikasan.
Batay sa ginawang pag-aaral ng mga eksperto, ang plastic bags ang isa sa ikinukunsiderang major pollutant at nakaka-apekto sa kalikasan at climate change.
Nagpaabot naman ng suporta sa panukala ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Department of Finance, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Department of Trade and Industry at Department of Environment and Natural Resources.
Ang Philippine Plastics Industry Association o PPIA ay kontra sa panukalang buwisan ang paggamit ng plastic bag dahil magdudulot ito ng dagdag na pasanin sa mga nasa plastic industry.
Vic Somintac