Panukalang batas na magpapataw ng parusa sa maling paggamit ng mga sidewalk, inihain sa Kamara
Inihain ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa mga gumagamit ng sidewalks para sa commercial o personal purposes.
Ito ang House Bill 1252 o Unobstructed Sidewalks Act na iniakda ni Pangasinan Congressman Ramon Guico Jr.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Guico kabilang sa mga ipagbabawal na gawin sa sidewalks ay:
- Paliligo
- Paglalaba at pagsasampay ng damit
- Pagbebenta ng mga pagkain, at iba pang produkto
- Pagpaparada ng mga sasakyan at pagtatayo ng talyer
- Pagtatapon ng mga basura
- Paglalagay ng basketball court
- Paglalagay ng funeral services o burol
- Pagsusugal
- House extension o store extension
- Paggamit ng sidewalks sa mga hindi otorisadong halaman, puno at plant boxes
- Pagtatambak ng construction materials, o iba pang mga gamit
- At marami pang iba
Mayroon namang probisyon ukol sa pagbibigay ng permit para sa pansamantalang paggamit ng sidewalks gaya ng community-wide na mga okasyon, charitable purposes, at iba pa.
Ayon kay Guico, kapag naging ganap na batas ang kanyang panukalang batas ang mga lalabag ay papatawan ng multang P10,000 hangggang P30,000 o kaya’y pagkakakulong na 6 na buwan hanggang 1 taon.
Habang multang aabot sa P100,000 hanggang P500,000 naman ang parusa sa mga lokal na opisyal na mabibigong ipatupad ang batas.
Ipinaliwanag ni Guico na ang mga pampublikong lugar gaya ng sidewalks ay hindi dapat ginagamit sa mga personal na mga aktibidad o layunin kaya ang mga pedestrian ay walang magawa kundi dumaan sa kalsada kaya nalalagay sa panganib.
Vic Somintac