Panukalang batas na magtatatag ng Kadiwa Agri food terminal sa buong bansa inihain sa Kamara
Isinusulong sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magtatatag ng Kadiwa Agri food terminal sa bawat siyudad at munisipalidad sa buong bansa.
Ito ang nilalaman ng House bill 3957 na ini-akda ni Agri partylist representative Wilbert Lee.
Ayon kay Lee ang pagkakaroon ng Kadiwa Agri food terminal sa ibat-ibang panig ng bansa ay makakatulong sa mga magsasaka, mangingisda at consumers dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng inflation.
Sinabi ni Lee nakababahala ang paglobo ng inflation rate sa bansa na pumalo sa 7.7 percent noong buwan ng Oktubre na pinakamataas mula noong 2008 record.
Inihayag ni Lee na kailangang ma-institutionalize ang paglalagay ng Kadiwa centers sa ibat-ibang sulok ng bansa kung saan makakbibili ng mga murang Agricultural products.
Niliwanag ni Lee kung magiging ganap na batas ang pagtatag ng Kadiwa Agri food terminal sa buong bansa maglalaan ang Kongreso ng 25 billion pesos na pondo na ikakarga sa Budget ng Department of Agriculture para pambili sa mga Agricultural products na ibibenta sa mga Kadiwa centers sa mas murang presyo kumpara sa standard market prices.
Vic Somintac