Panukalang batas na tatapos sa endo sa gobyerno , inihain sa Kamara
Magkakaroon na ng pag-asa ang mahigit 660,000 contractual at job order employees sa gobyerno na maging regular sa kanilang trabaho kahit wala silang civil service eligibility.
Ito ay kapag naisabatas ang House Bill 521 o panukalang Automatic Civil Service Eligibility Act na inihain ni Kabayan partylist Representative Ron Salo.
Sa record ng Civil Service Commission o CSC noong 2017, nasa mahigit 660,000 ang contractual o casual workers sa gobyerno.
Sinabi ni Salo na pangunahing dahilan kung bakit hindi mabigyan ng full entitlement ang mga contractual, casual o job order employee ay dahil wala silang eligibility para maging kuwalipikado at maregular sa kanilang trabaho sa gobyerno.
Ayon sa panukalang batas ni Salo awtomatikong mabibigyan ng civil service eligibility kapag nagtagal nang tatlong taon ang isang casual employee ng pamahalaan at kahit naputol ang serbisyo subalit nakapagserbisyo nang kabuuan ng limang taon ang isang contractual, casual o job order employees ay pagkakalooban pa rin ito ng Civil Service Eligibity.
Inihayag ni Salo, kailangan din na maging ehemplo ang gobyerno sa private sector lalo na’t itinutulak ng estado na tapusin ang “Endo” o 5-5-5 scheme at sumunod sa Labor Code na sa loob ng anim na buwan ng employment ay dapat maregular ang mga empleyado.
Vic Somintac