Panukalang batas para sa pagpapalawak ng fertilizer at pesticide subsidy ng gobyerno sa mga magsasaka , isinusulong sa Kamara
Para matulungan ang mga magsasaka sa bansa at mapagaan ang bigat na pinapasan sa mga farm inputs.
Inihain ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay subsidy sa mga magsasaka para makakuha ng murang fertilizer at pesticide.
Ito ang House Bill 3528 o National Fertilizer Subsidy Act na iniakda ni Agriculture Partylist Representative Wilbert Lee.
Ayon sa panukalang batas ni Congressman Lee pananagutan ng Department of Agriculture na i-subsidize ang pangangailangan ng mga magsasaka sa fertilizer at pesticide.
Sinabi ni Lee, masyadong nahihirapan ang mga magsasaka dahil sa sobrang taas ng presyo ng fertilizer at pesticides kaya sila nababaon sa utang.
Batay sa report, triple ang itinaas ng presyo ng fertilizer dahil noong 2021 ,ang isang bag ng Urea na ginagamit ng mga magsasaka ay 950 pesos at ngayong 2022 ay umabot na ito sa 2,990 per bag na labis na iniinda ng mga magsasaka.
Inihayag ni Lee na ang kanyang panukalang batas ay bilang pagtugon sa patakaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing abot kaya ng mga magsasaka ang presyo ng fertilizer at pesticide upang mapalakas ang ani at magkaroon ng food security ang bansa.
Vic Somintac