Panukalang batas sa pagpapaliban ng Brgy. at SK election lusot na sa plenaryo ng Kamara
Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4673 na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections
Batay sa panukalang batas sa halip na sa December 5 ngayong taon, ay sa unang Lunes ng December 2023 isasagawa ang eleksiyon sa mga opisyal ng Barangay at SK.
Sa ginanap na plenary deliberation at botohan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay 264 na mga kongresista ang pumabor sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections, anim na mambabatas ang kumontra at 3 ang hindi bomoto.
Hinihintay na lamang ang Senate version ng naturang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK election para maging ganap nang batas.
Sa sandaling maging ganap na batas ay awtomatikong extended ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng Barangay at SK.
Nauna nang inihayag sa Kongreso ni Commission on Election o COMELEC Chairman George Garcia, na ang pagpapaliban sa Barangay at SK elections ay mangangailangan ng karagdagang pondo dahil muling bubuksan ng poll body ang voters registration.
Vic Somintac