Panukalang batas sa pagtatayo ng evacuation center sa bawat siyudad at munisipalidad, inihain mismo ni Speaker Martin Romualdez
Muling binuhay sa Kamara ang panukalang batas na nagsusulong ng pagtatayo ng evacuation centers sa bawat siyudad at munisipalidad sa buong bansa.
Ito ang House Bill number 16 na ini-akda ni House Speaker Martin Romualdez kasama sina Tingog Partylist Representative Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Ayon kay Speaker Romualdez, kailangan nang magkaroon ng mga evacuation center na pansamantalang matutuluyan ng mga biktima ng kalamidad gaya ng bagyo, lindol maski ng mga manmade na sakuna o iba pang emergencies.
Inihayag ni Romualdez ang Pilipinas ay karaniwang tinatamaan ng mga sakuna subalit hanggang ngayon ginagamit pa rin ang mga paaralan bilang evacuation centers na nakakaapekto nang malaki sa edukasyon ng mga estudyante.
Kung magiging ganap na batas magtayo ng evacuation center sa 1,488 na munisipalidad at 146 na siyudad sa buong bansa.
Sa ilalim ng binanggit na panukalang batas ang mga lokal na pamahalaan ang magiging responsable sa operasyon o pangangasiwa sa mga evacuation center na dapat ay may sleeping quarters o maayos na matutulugan ng mga bakwit hiwalay na palikuran para sa babae at lalaki angkop na amenities para sa mga buntis, senior citizens at may kapansanan; isolation o quarantine areas para sa infected na mga tao; at iba pang kailangang pasilidad.
Oobligahin naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC nang may koordinasyon sa Department of Public Works and Highways at Department of Science and Technology, na tukuyin ang nararapat na disenyo, halaga at detalye ng konstruksyon ng evacuation centers.
Vic Somintac