Panukalang batas sa tax exemption ng fertilizer at pesticide isinusulong sa Kamara
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagsusulong na ma-exempt o mailibre sa buwis ang lahat ng mga abono at pestesidyo na ginagamit ng mga magsasaka.
Ito ang House Bill 1572 o Farm Fertilizer and Pesticide Tax Exemption Act na iniakda nina Congressman Ricardo Kho at Congresswoman Olga Kho.
Ayon sa panukalang batas kapag nalibre sa buwis ang abono at pestesidyo ay mapatatatag ang supply ng mga lokal na produktong agrikultura sa bansa dahil mababawasan ang gastusin ng mga magsasaka at madadagdagan pa ang kanilang kita.
Ang produksyon ng palay, mais at asukal sa Pilipinas ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga lokal na magsasaka subalit nagkakaroon ng problema dahil masyadong mataas ang halaga ng abono at pestesidyo.
Batay sa Fertilizer and Pesticide Authority umaabot sa 3,000 piso ang halaga ng kada bag ng fertilizer bagay na nagpapabigat sa pasan ng mga magsasaka sa bansa.
Vic Somintac