Panukalang budget para sa 2020, hindi pa rin pork-free
Hindi pa rin umano pork free ang panukalang 4.1 trillion budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, tila wlang kadala-dala ang mga Kongresista sa pagtatago ng pork barrel kahit pa iveneto ni Pangulong Duterte ang kanilang insertions sa 2019 budget na nagkakahalaga ng 95.5 billion pesos.
Katunayan, sinabi ni Lacson na sa Department of Public Works and Highways pa lamang, may natukoy na silang halos 20 bilyong pisong pork barrel.
Senador Lacson:
“Itong National Budget, ito ang hide-and-seek ng matatanda. hide sila ng hide hanap naman kami ng hanap. kung hindi makita ok lang sila, pero pag nakita, e di huli. ganoon lang yan. parang taon-taon nagha-hide-and-seek, nagpapatintero”.
Una niya raw inakala na malinis sa Pork ang 2020 Proposed Budget dahil halos wala namang binago ang mga Kongresista sa National Expenditure program sa kanilang ipinasang General Appropriations Bill.
Gayunman, lumitaw na sa NEP pa lamang ay isiningit na ng ilang kongresista ang ilan nilang mga proyekto upang hindi na ito masilip pa habang binubusisi ang budget.
Ilan sa tinukoy ni Lacson ang 14 Bilyong projects ng DPWH para sa mga tulay at kalsada kabilang na ang Kennon road sa Baguio City, dalawang Circumferential Road sa Batan Island at Rapu-Rapu sa Bicol.
Nakakabahala ayon sa Senador dahil may plano pa umano ang Kamara na magpasok ng amendments oras na isalang ang budget sa Bicameral conference committee.
Sa ngayon natapos na ang interpelation sa budget sa plenaryo ng Senado.
Ayon kay Lacson, maghahain na sya ng amyenda para tapyasan ang budget ng ilang departamento ng gobyerno dahil underspending at hindi nagagastos ng pondo.
Kabilang na rito ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr) at Department of Education (Deped).
Ang tatlong ahensya aniya ang natukoy na notoryus na pagdating sa kabagalan ng paggastos ng pondo para tustusan ang iba pang mahahalagang programa ng gobyerno.
Kabilang na rito ang National ID system, Universal Healthcare Law at free Access to Tertiary education.
Ulat ni Meanne Corvera