Panukalang “Doktor para sa Bayan”, niratipikahan na ng Senado
Kung pangarap mong maging doktor pero kapos ka sa pambayad sa matrikula, narito ang magandang balita….
Niratipikahan na ng Senado ang panukalang “Doktor para sa Bayan” na magbibigay ng scholarship para sa mga estudyanteng nais mag-aral ng kursong may kinalaman sa medisina.
Isusumite na ang panukala sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo.
Sa panukalang batas, sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin ng isang estudyante na may mataas na academic performance sa mga Medical schools.
Kapalit nito, kapag nakapagtapos at naging doktor, kailangan nilang magserbisyo sa mga ospital ng gobyerno sa kaparehong taon ng kanilang pag-aaral o habang nasa ilalim ng Scholarship program.
Ayon kay Senador Joel Villanueva na nag-sponsor ng panukala sa plenaryo, dahil sa pagkakapasa ng panukala, mabibigyan na ng mas malaking tyansa ang susunod na henerasyon ng mga Filipino na manalo laban sa mga sakit at iba pang uri ng Pandemya.
Target ng mga mambabatas na maabot ang target ng gobyerno na magkaroon ng isang doktor sa bawat munisipalidad upang agad makatugon sa mga kaso ng epidemya.
Sa datos aniya, ang Pilipinas ay nangangailangan pa ng 79,589 na mga doktor para maabot ang ratio na sampung mangagamot sa bawat 10,000 populasyon ng bansa.
Ang mga scholars na hindi tutugon sa pagsisilbi sa gobyerno, magbabayad ng doble sa nagastos sa kanilang pag-aaral.
Pangunahing author ng panukala si Senate President Vicente Sotto III.
Meanne Corvera